Tuesday, May 6, 2008

“WALANG PILIPINO ANG DAPAT MAGUTOM”

PRIVILEGE SPEECH
Cong. Teofisto “TG” Guingona III
Kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Bukidnon
Ika-6 ng Mayo 2008


Si Andres at si Selya ay mag-asawa. Iisa ang kanilang anak, si Tomas. Maagang nabiyuda si Selya. Bago mamatay ang asawang si Andres, ibinilin nito sa nakatatandang kapatid na si Max ang pamamahala sa kanilang palayan at sa pondong naipon niya. Nangako si Max na tutuparin niya ang hiling ng kaniyang kapatid.

Ngunit kalilibing pa lamang ni Andres, pinabayaan na ni Max sina Selya at Tomas. Siya ay naging mabisyo at lasenggo. Ang sakahan ay tuluyang pinabayaan. Mabuti na lamang at masipag si Tomas. Siya na ang nag-asikaso sa kanilang sakahan kahit labinlimang taong gulang pa lamang siya nang mamatay ang kaniyang ama. Hindi madaling isaka ang palayan ni Andres. Wala itong irigasyon, kung kaya dalawang beses lang sa isang taon nakakapagtanim si Tomas. Kapag minalas-malas pa, isang beses lamang. Hindi lang iyon, mula sa kanilang sakahan, walang matinong daan patungong hi-way. Sampung kilometro ang layo ng hi-way. Matindi ang pagsasakripisyo ni Tomas.

Si Max naman ay pabigat kina Selya at Tomas. Bigla na lang itong magpapakita na may bitbit pang barkada, at inoobliga sina Selya at Tomas na pakainin at painumin sila. Naglalasing sila hanggang madaling araw. Perhuwisyo talaga si Max.

“Selya, si Cheng Wu, bago kong kabarkada,” pagpapakilala ni Max.
“Ha?!”, nagulat si Selya; hindi niya napansin na may kasama si Max.
“Dayuhan siya, galing sa Tsina,” dagdag ni Max.

Kinabahan si Selya nang makita niyang biglang naging seryoso ang mukha ni Max. Buo ang boses at seryoso ang tono nang sabihin niyang “A, Selya, nakapagdesisyon na ako. Mayroon kaming pinirmahang kontrata ni Cheng Wu. Uupahan niya ang sakahan ninyo. Siya na ang magtatanim ng palay at mais.Babayaran niya kayo ng upa. Ang lahat ng ani, ipadadala sa Tsina.”

“Hanep ka talaga! Kami ang may ari ng lupa! Kami ang may karapatang magpasiya kung ano ang mabuting gawin! Hindi mo man lang kami kinonsulta bago ka nakipagpirmahan ng kontrata. At wala kaming parte sa ani. Makatarungan ba ‘yan?” mapaklang bigkas ni Selya.

“Kapag pumayag kami diyan sa kontrata, sigurado bang magkakaroon ng trabaho si Tomas? Sapat ba at makatarungan ang kaniyang kikitain?” usisa pa ni Selya.

“Wala kaming pinag-usapang ganyan. Pwedeng kunin ni Cheng Wu si Tomas bilang trabahante, pero pwede ring hindi. Pwede rin siyang magpasok ng ibang tao, maski na hindi Pilipino. Bahala na si Cheng Wu.” sagot ni Max.

“At saka nga pala Selya. Kasama sa kontrata ang paggawa ng daan at kanal para sa irigasyon, mula hi-way patungo sa inyong palayan.” dagdag pa ng impaktong si Max.
“Sino ang gagastos para sa mga yan?” tanong ni Selya.
Huminga nang malalim si Max saka niya sinabing, “Kayo ang gagastos. Ang pondong iniwan ni Andres ang gagamitin.”

“Nabuang ka na ba Max! Anong klaseng kontrata ‘yan? Hindi mo kami kinonsulta bago kayo nagpirmahan. Bayad sa upa lang ang makukuha namin at ang lahat ng ani, dadalhin sa Tsina. Puwede pang mawalan ng kabuhayan si Tomas. Ang pinakamatindi sa lahat, kami pa ang magbabayad sa pagpapagawa ng irigasyon at daan patungong hi-way.” ngitngit na ngitngit si Selya.

“Ano ka ba Max! Kapatid mo si Andres! Sarili mong dugo, tinalikuran mo! Mas pinili mo pa yang dayuhang yan! Taksil ka!” tangis ni Selya.

Maihahalintulad ang pagtataksil ni Max kay Andres sa ginawa ng ating pamahalaan nang makipagkasundo at nilagdaan ang kontratang tinatawag na China Farm Agreements. Sa mga kontratang ito, pauupahan sa mga dayuhang Tsino ang 1.4 milyong ektarya ng lupang sakahan dito sa Pilipinas.

Ayon sa ating Saligang Batas, ipinagbabawal ang pagpapaupa sa mga dayuhan ng lupaing pag-aari ng Pilipinas, nang higit sa isang libong ektarya.

Ang sabi nga ni Sen. Edgardo Angara sa isang hearing sa Senado noong Setyembre 24, 2007: “…there is an agreement to set aside 1.4 million in favor of these Chinese companies, in essence. …this is illegal. No corporation or group can lease more than 1,000 hectares in our country. And if you try to lease out almost 1.2 million hectares, you are committing an illegal, unconstitutional act.”

Malinaw na walang respeto sa Saligang Batas ang administrasyon ni Gng. Gloria Arroyo. Kawawa na naman ang mga Pilipino. Inapi na naman ang Pilipinas.

Hindi lang ‘yan. Magtatanim ang mga Tsino ng hybrid na palay at mais ngunit walang parte ang Pilipinas sa ani. Ang lahat ng ani ay ipadadala sa Tsina. Palay na itinanim sa Pilipinas, bigas na kakainin ng mga dayuhang Tsino. Ang matatanggap lang natin ay ang bayad sa pag-upa sa lupa. Nais ko lamang bigyan natin ng pansin, na ang lawak ng lupang pauupahan ni Gng. Gloria Arroyo ay katumbas ng higit sa 25 % ng ating lupang palayan. Kawawa na naman tayong mga Pilipino. Inapi na naman ang Pilipinas. Ang masakit pa, sarili nating pamahalaan, ang administrasyon ni Gng. Gloria Arroyo ang lumagda sa mga kontratang ito. At ngayon pa, kung kelan problema natin kung saan tayo kukuha ng bigas. Si Sen. Angara, ang dating secretary ng Department of Agriculture mismo ang nagbabala: “…you will divert agricultural production of 1.4 million to supply the needs of …China rather than the Philippines when the incidence of starvation and malnutrition is still rampant.”

1.4 milyong ektarya ang tatamnan ng palay ngunit ang lahat ng ani ay ipadadala sa Tsina para kainin ng mga Tsino samantalang hirap ang Pilipinas na bumili ng bigas. Kawawa na naman tayong mga Pilipino. Inapi na naman ang Pilipinas.

Ang isa pang dapat bigyang-pansin sa China Farm Agreements ay ang kawalang katiyakan na mga Pilipino ang kukuning manggagawa sa mga sakahan. Puwedeng-puwedeng silang maetsa-puwera. Kawawa na naman tayong mga Pilipino. Inapi na naman ang Pilipinas.

Ang pinakamapait, ang Pilipinas ang magbabayad at gagawa ng farm-to-market roads at irigasyon ng 1.4 milyong ektaryang palayan na gagamitin ng mga dayuhang Tsino.

Ito pa ang isang punto, hindi kinonsulta ang kahit isa man lang na mamamayang Pilipino bago nakipagkasundo at nilagdaan ng ating pamahalaan ang kontrata. Mawawalan tayo ng 1.4 milyong ektaryang lupain, mababawasan ang pinagtataniman natin ng palay ngunit hindi tayo kinonsulta ng ating sariling pamahalaan bago sila nakipagkasundo sa Tsina. Hindi lang ito labag sa ating Saligang Batas , ito ay garapalang pambabastos sa dignidad ng bawat Pilipino. Biruin niyo po, basta na lang ibinigay ang 1.4 milyong ektarya upang magkaroon ng pagkain ang mga dayuhang Tsino. Hindi man lang tayo inabisuhan. Ni ha, ni ho, wala! Basta na lamang nakipagkasundo at pumirma. Akala siguro nila, sila ang may ari ng Pilipinas. Sabi nga ng isang kanta, “Nosi, nosi balasi. Sino, sino ba sila?!?”

Ang sabi ng Deparment of Agriculture, kailangan natin ang teknolohiya ng mga Tsino. Hindi ako naniniwala na mas magaling ang kanilang teknolohiya. Una sa lahat, narito ang IRRI o International Rice Research Institute, ang pinakauna at pinakamalaking pandaigdigang institusyon na nakatuon sa pananaliksik hinggil sa palay. Isa sa kanilang latest achievements ay ang aeorobic rice na ang kailangang tubig ay kalahati lamang ng dami ng kailangang tubig ng pangkaraniwang palay. Malaking tulong ito lalo na sa panahon ng tagtuyot, kapag malalâ ang kakapusan sa tubig. Ang isa pang achievement ay ang underwater o submarine rice na maaaring mabuhay kahit nakalubog sa tubig nang labing-pitong (17) araw. Malaking tulong ito sa mga Pilipinong magsasaka na nasa lugar na madalas bahain.

Pangalawa, ang klima ng bansang Tsina ay temperate samantalang ang Pilipinas ay tropical. Maaaring hindi angkop ang kanilang teknolohiya para sa atin.

Ikatlo, hybrid rice ang isinusulong ng Tsina. Alam naman nating lahat na nakasalalay sa kemikal na fertilizer ang hybrid rice. Fertilizer, na ang presyo ay hindi tumitigil sa pagtaas. Lalo lamang mababaon sa utang ang mga magsasaka at lalo lamang mapipinsala ang ating kalikasan, gaya ng ipinapakita ng marami nang pananaliksik. Panahon na upang bigyang-tuon natin ang organic farming. Ayon sa pananaliksik, nakapagbibigay ito ng aning katumbas ng siyam na metriko tonelada bawat ektarya.

Mga kababayan, oposisyon man o administrasyon, tayong lahat ay naghahangad ng sapat na pagkain para sa lahat ng Filipino. Mas makabubuti kung ang gagawin ng pamahalaan ay ang sumusunod na hakbang upang mapataas ang produksiyon ng pagkain: Una, dagdagan ang badyet para sa farm-to-market roads at irigasyon. Kulang talaga ang pondong inilalaan para sa mga iyan. Pangalawa, kailangang pagtuunan natin ng seryosong pansin ang organic rice production, na napatunayang sagana ang ani nang hindi gumagamit ng kemikal na fertilizers na napakamamahal at nakakasira sa mga lupaing sakahan.

Sa pagtatapos, iginigiit ko na kanselahin ni Gng. Arroyo ang China Farm Agreements. Hindi sapat ang suspensiyon lamang. Kanselahin lahat. Dahil ang suspensyon ay parang si impaktong Max na natutulog lamang. Maaari siyang gumising anumang oras upang lalo pang pahirapan sina Tomas at Selya. Hindi ang China Farm Agreements ang solusyon sa krisis sa bigas. Kitang-kita na ang mga dayuhang Tsino lamang ang makikinabang sa mga kasunduan at maagawan pa nila ng pagkain ang mga pamilyang Pilipino. Aping-api na ang mga Pilipino.

Kinakailangang mabigyan ng sapat na pagkain ang bawat pamilyang Pilipino. Hindi dapat magdusa sina Tomas at Selya dahil sa kasakiman at kapalpakan ng administrasyon ni Gng. Arroyo. Walang Pilipino ang dapat magutom!

---------------------------------------------------
Section 3, Artcile XII states: “Lands of the public domain are classified into agricultural, forest or timber, mineral lands, and national parks. Agricultural lands of the public domain may be further classified by law according to the uses which they may be devoted. Alienable lands of the public domain shall be limited to agricultural lands. Private corporations or associations may not hold such alienable lands of the public domain except by lease, for a period not exceeding twenty-five years, renewable for not more than twenty-five years, and not to exceed one thousand hectares in area. Citizens of the Philippines may lease not more than five hundred hectares, or acquire not more than twelve hectares thereof by purchase, homestead, or grant.”

Sen. Edgardo Angara: At bottom, whether you call it a memorandum of intent, a framework, there is an agreement to set aside 1.4 million in favor of these Chinese companies, in essence. And I am glad that you are suspending it because this is illegal. No corporation or group can lease more than 1000 hectares in our country. And if you try to lease out almost 1.2 million hectares, you are committing an illegal, unconstitutional act. So, I’m glad that you halted this illegality and rethink it. There are many ways of developing our scarce land resources and Sen. Enrile is probably the expert in this country on that. xxx So I hope that you will issue a written circular among the three that this is now suspended.

No comments: